top of page
20201009213448_IMG_1775.JPG

TINTA AT PLUMA

POEMS OF PATRICIA

HINDI NATUTULOG ANG BUWAN

Hangga’t gising pa ang bituin na iyan;

Hindi pa rin matutulog itong buwan;

Sasamahan ka kahit sa katapusan;

Sumikat man ang araw sa kalawakan;

 

Papabantayan kita sa mga ulap;

Tumingin ka lang naman sa alapaap;

Tutuparin ang iyong mga pangarap;

Huwag ka lamang titigil na magsumikap;

 

​

Ang unti-unting pagbagsak nitong ulan;

Kasunod nang pagsilay ng kalangitan;

Hindi na ulit titigil sa pag-laban;

Hihinto at nagpapahinga lang naman;

 

Mag-isa ka lang rito sa daraanan;

Madilim man itong iyong pupuntahan;

Lagi pa ring ikaw ang ‘king sasamahan;

Bibigyan ko ng liwanag itong daan.

20201107210835_IMG_2621.JPG
12. SCENE 7.JPG

SANA SA SUSUNOD IKAW NA

Hihiling na ako sa mga tala;

Subalit ‘di ako maniniwala;

Sapagkat nawalan na ng tiwala;

Ngunit ako rin naman ang may sala;

 

Patuloy lamang na naguguluhan;

Hindi na alam ang patutunguhan;

Sarili na ay iyong sinasaktan;

Gusto ko na lang talagang takasan;

Nakatulala ako sa kawalan;

Ginugulo na ng kinabukasan;

Ano ba ang nagawang kasalanan?;

At ito ang aking nararamdaman?;

 

Ang iyong sinambit na salita;

Iyan ang nais marinig ng tenga;

Sabi mo, sa’kin ka naniniwala;

At sana pati ako maniwala.

KAIBIGAN MO BA ANG KISAME?

Nakapikit na dapat ang mga mata;

At mahimbing ang iyong tulog sa kama;

Subalit sa kisame nakatingala;

Pinapanood ang mga alaala;

 

Iiling na lamang ba at tatawa na?;

Sapagkat mamaya nama’y naiyak na;

Ano nanaman ba itong ginagawa?;

Hindi na kasi ito nakakatuwa;

Ngunit nang naluha sa kalagitnaan;

Bigla ka lang dumating at pinatahan;

Hindi ka man maaaring mapuntahan;

Damdamin naman ay iyong pinagaan;

 

Kung sakaling tadhana ako’y pagbigyan;

At ikaw ay tuluyan nang masilayan;

Iyo sanang laging pakatatandaan;

Hindi na muli iisiping lumisan.

20201107153634_IMG_2537.JPG
20201107150256_IMG_2502.JPG

TATAKBO BA KAPAG NATATAKOT?

‘Di nais ng aking mata ang pula;

Kapag nasa taas ay nalulula;

At sa dilim naman ay namumutla;

Kung hahabulin ay matutulala;

 

Subalit ano ba itong nangyari?;

Sapagkat aking hindi na mawari;

Na ang gan’to pala ay maaari;

Kahit ilang beses ko pang sinuri;

​

Ang pula sa’kin ay nagpapasaya;

T’wing nasa matayog ay maligaya;

Liwanag ay hindi na kinakaya;

Tumakbo na nang ‘di kita mataya;

 

Iba na ang aking kinakatakot;

‘Di naman gaanong masalimuot;

Pero labis itong nakakalungkot;

Itong reyalidad ko ay bangungot.

IKALAWANG KABANATA

Patuloy ang paglipat ng pahina;

Sinusuri isa-isa ang letra;

Naghihinagpis ulit sa may-akda;

Hindi nais ang bagong kabanata;

 

Makikiusap ba sa manunulat?;

Na kung pwedeng palitan ang sinulat;

O itatapon na lang ba ang aklat?;

Bakit naman kasi ‘to ang pamagat?;

Maganda naman ang mga tauhan;

Huwag lamang mababasa ng ulan;

Marahil ikaw ay maiiwanan;

Sa awtor ba ay hihiling na naman?;

 

Sana sa ikalawang kabanata;

Ayaw nang gumanap na kontrabida;

Sapagkat ako ay hindi masama;

Subalit ako naman ang makata.

20201107154352_IMG_2548.JPG
bottom of page